Saturday, February 02, 2008
Ang post na ito ay napagtripan kong isulat sa Filipino. Hindi ko pa kasi nasusubukan gumawa ng isang katha na Tagalog ang salita at medyo nationalistic ako ngayon kaya pabayaan nyo ako. Kanina habang naglalakad pauwi galing sa mall, bumalik sa aking isip ang isang tanong na sa tingin ko ay narinig na ng bawat isa sa atin: ano ba ang gusto mo maging pag laki mo? Sa totoo lang, napahinto ako. Nagreflect kuno. Malaki na kasi ako, dapat yata masagot ko na ang tanong na yan. Siguro ten years na ang nakararaan nang isagot ko sa tanong na "Ambition:" sa slam book ng classmate ko ang JUDGE. Pero bago yun ang sinusulat ko ay DOCTOR. Meron din yatang TEACHER. Sabi ni Mommy sumagot din daw ako ng MAID (dahil gusto ko daw maglaba) at KAHERA (dahil gusto ko daw magflip ng cash register.) Di naman ako naging doctor o lawyer o kahera. Masyado yata akong tamad para sa mga yan. Pero kung ngayon mo ako tatanungin kung ano ba talaga ang gusto ko, sasabihin ko sayo na gusto kong maging manunulat. Oo, may hidden desire ako na maging writer. Kahit hindi na yung Palanca Award winner, basta writer lang. Yung may libro sa bookstore. Yung ini-invite sa mga events. Yung nagbibigay ng talk sa students ng creative writing. Nakks. (Teka, artista yata ang gusto ko eh.) Walong taong gulang ako nang isulat ko ang una kong maikling kwento sa ilang piraso ng bond paper. Medyo mababaw na love story yung sinulat ko kaya wag niyo na akong pilitin na ikuwento ang istorya. Ginamitan ko ito ng stapler para wag maghiwa-hiwalay ang mga pahina. Tinago ko ito sa aking "kalat drawer" na laging magulo at laging pinagti-tripan ni Mommy na linisin. One day, pag bukas ko ng drawer, huwaw! Nawala ang kalat! Nawala din ang short story! Tinapon ni Mommy yung sinulat ko, kalat lang daw kasi yun. Kaya ayun, goodbye writing na din ako. Nawalan na ako ng gana. Sabi kasi ng matatanda, kalat lang yun! Madami pa akong sinubukang gawin nung bata-bata pa ako. Nag-aral ako ng electone keyboard, pero di ko ito natapos dahil umalis kami ng Pilipinas. Nag-aral ako ng drums, pero di ko ito natuloy kasi wala kaming drum set. Sinubukan ko din mag gitara, pero tinamad ako sa bandang huli. Sumali at natalo ako sa mga speech contest. Sasali sana kami nung kaibigan ko sa isang singing contest nung elementary pero nag decide yung teacher namin na magsolo nalang yung kaibigan ko at wag na kaming sumali as duo. Siguro kung ako ang konsensya ni Mommy, bubulong ako, "When you see the gift, nurture it." Sayang. Sana nakapag hasa ako kahit sa pagtugtog lang ng triangle. Nawala na yata yung "gift," kung meron nga ba talaga. Kahit na maraming palpak, may mga okay din naman. Yun nga lang, mas marami yata yung moments of defeat kaya yun ang mga tumatak sa utak ko. At eto, tignan mo kung nasan ako ngayon. Hindi ko naman talaga gusto mapunta sa science nung nag college ako eh. In fact, science ang pinakakulelat kong subject (Trivia: 75 ang grade ko sa Biology.) Meron lang kasi akong desire na maging iba, kaya ayun, ako lang ang kumuha ng kursong Chemistry sa buong batch namin. Ayan tuloy, mag-isa akong nag dusa. At di pa ako nakuntento sa apat na taong torture. Nag masters pa ako. Feeling ko kasi wala akong specialty sa music or arts, baka makabawi pagdating sa Siyensya. Dati kasi "Jack of all trades, master of none" ako. Baka at least merong isa na para sa akin. Pero parang ang hirap naman yata ng napuntahan ko. Parang sa ibang tao madali lang makarelate sa music, sa arts, sa writing... pero sa Science hindi! Parang allergic ang karamihan sa Science. For example, pag ang usapan ay artsy fartsy, kahit sino may opinyon. Pero pag si Albert Einstein at ang Theory of Relativity na ang usapan, tulugan na ang lahat. Marahil ito nga siguro ang kagandahan ng napuntahan kong field. Tanungin mo ako tungkol sa quantum mechanics, particle in a three dimensional box, atoms, molecules, chemical sensors, o kahit na organic chemistry, sigurado may maisasagot ako. Mga bagay na hindi na-aappreciate ng ibang tao, ngunit mga bagay na nagpapatakbo sa mundo natin. Teka, ano nga ba ang kinalaman ng pagiging scientist ko sa ambisyong maging manunulat? Ewan ko. Sabi kasi nila, ang pagsusulat at ang pagiging scientist ay di tugma. Hindi bagay. Walang koneksyon. Kung ang ibig sabihin nun ay wala na akong pag-asa sa pagiging writer, eh di fine, pero hindi ako titigil. Kahit wala akong superb talent sa pagsusulat, magbo-blog parin ako dito. At dahil naging part ako ng college paper at naging script writer ng isang school play matagal na panahon na ang nakararaan, hindi ako naniniwala na hindi ako pwede maging manunulat. Dahil sa huli, ako parin ang masusunod sa kung anong ambisyon ang gusto kong tuparin. Sabi nga ng Nike, just do it. Kung mayroon kang pangarap, abutin mo ito sa lahat ng makakaya mo. Kung hindi pa ngayon, wag kang tumigil--dahil ikaw ang gumagawa ng bukas mo. Wag kang magulat kung isang araw ay may column na ako sa isang broadsheet o di kaya kasama na ang pangalan ko sa listahan ng mga bestsellers. Hindi ako titigil. Ambisyosa talaga ako. Labels: random posted by Dorxie at 2:38 AM
 [
1 comments ]
+ For the Greater Glory of God! + |
|